
Gaano karami sa gawain ng tao ang gawain ng Banal na Espiritu at gaano karami ang karanasan ng tao? Kahit ngayon, masasabi na hindi pa rin nauunawaan ng mga tao ang mga tanong na ito, na lahat ay dahil hindi nauunawaan ng mga tao ang mga panuntunan sa paggawa ng Banal na Espiritu. Mangyari pa, ang gawain ng tao na sinasabi Ko ay tumutukoy sa gawain niyaong mga nagtataglay ng gawain ng Banal na Espiritu o yaong mga ginagamit ng Banal na Espiritu. Hindi Ko tinutukoy ang gawain na nagmumula sa kalooban ng tao kundi sa gawain ng mga apostol, mga manggagawa o mga karaniwang kapatirang lalaki at babae na sakop ng gawain ng Banal na Espiritu. Dito, ang gawain ng tao ay hindi tumutukoy sa gawain ng Diyos na nagkatawang-tao kundi sa sakop at mga panuntunan ng gawain ng Banal na Espiritu sa mga tao. Kahit na ang mga panuntunang ito ay ang mga panuntunan at sakop ng gawain ng Banal na Espiritu, hindi ito katulad ng mga panuntunan at sakop ng gawain ng Diyos na nagkatawang-tao. Ang gawain ng tao ay may sangkap at panuntunan ng tao, at ang gawain ng Diyos ay may sangkap at panuntunan ng Diyos.
Ang gawaing nasa daloy ng Banal na Espiritu, kung ito man ay sariling gawain ng Diyos o ang gawain ng mga tao na ginagamit, ito ay gawain ng Banal na Espiritu. Ang sangkap ng Diyos Mismo ay ang Espiritu, na maaaring tawaging Banal na Espiritu o ang Espiritung pitong ulit na pinatindi. Kung anuman, Sila ay ang Espiritu ng Diyos. Kaya lamang ang Espiritu ng Diyos ay iba-iba ang tawag sa magkakaibang mga panahon. Nguni’t ang Kanilang sangkap ay iisa pa rin. Samakatuwid, ang gawain ng Diyos Mismo ay ang gawain ng Banal na Espiritu; ang gawain ng Diyos na nagkatawang-tao ay walang iba kundi ang Banal na Espiritu na nasa paggawa. Ang gawain ng mga tao na ginagamit ay gawain din ng Banal na Espiritu. Kaya lamang ang gawain ng Diyos ay ang ganap na pagpapahayag ng Banal na Espiritu, at wala iyong pagkakaiba, samantalang ang gawain ng mga tao ay may kahalong maraming mga bagay ng tao, at hindi ito ang tuwirang pagpapahayag ng Banal na Espiritu, lalong hindi ang ganap na pagpapahayag. Ang gawain ng Banal na Espiritu ay iba’t iba at hindi limitado ng anumang mga kalagayan. Ang gawain ay magkakaiba sa iba’t ibang mga tao, at nagdadala ng iba-ibang sangkap sa paggawa. Ang gawain sa iba’t ibang panahon ay magkakaiba rin, katulad ng gawain sa iba’t ibang bansa. Mangyari pa, kahit ang Banal na Espiritu ay gumagawa sa maraming magkakaibang paraan at ayon sa maraming mga panuntunan, paano man ito ginagawa o sa kung anumang uri ng mga tao, ang sangkap ay laging naiiba, at ang gawain na ginagawa Niya sa iba’t ibang tao ay mayroong panuntunang lahat at lahat ay maaaring kumatawan sa sangkap ng layon ng gawain. Ito ay dahil sa ang gawain ng Banal na Espiritu ay talagang tiyak ang sakop at talagang sukát. Ang gawaing ginagawa sa nagkatawang-taong laman ay hindi katulad sa gawain na isinasagawa sa mga tao, at ang gawain ay nag-iiba rin batay sa iba’t ibang kakayahan ng mga tao. Ang gawaing ginagawa sa nagkatawang-taong laman ay hindi ginagawa sa mga tao, at sa nagkatawang-taong laman ay hindi Niya ginagawa ang katulad na gawain na ginagawa sa mga tao. Sa madaling salita, kahit paano Siya gumagawa, ang gawain sa iba’t ibang layon ay hindi kailanman magkatulad, at ang mga panuntunan na batayan Niya sa paggawa ay naiiba ayon sa katayuan at kalikasan ng iba’t ibang mga tao. Ang Banal na Espiritu ay gumagawa sa iba’t ibang tao batay sa kanilang likas na sangkap, at hindi humihingi sa kanila nang lampas sa kanilang likas na sangkap, o gumagawa man Siya nang lampas sa kanilang totoong kakayahan. Kaya, ang gawain ng Banal na Espiritu sa tao ay nagpapahintulot sa mga tao na makita ang sangkap ng layon ng gawain. Ang likas na sangkap ng tao ay hindi nagbabago; ang aktuwal na kakayahan ng tao ay limitado. Kahit ginagamit ng Banal na Espiritu ang mga tao o gumagawa sa mga tao, ang gawain ay laging nakaayon sa mga hangganan ng kakayahan ng mga tao upang maaaring makinabang sila mula rito. Kapag ang Banal na Espiritu ay gumagawa sa mga taong ginagamit, ang kanilang mga kaloob at totoong kakayahan ay parehong gumaganap ng papel at hindi naisasantabi. Ang kanilang aktuwal na kakayahan ay laging ibinubuhos para maglingkod sa gawain. Masasabi na Siya ay gumagawa sa pamamagitan ng paggamit sa mga bagay na mayroon ang tao upang makamit ang mga bunga ng paggawa. Kaiba rito, ang gawain sa nagkatawang-taong laman ay para tuwirang ipahayag ang gawain ng Espiritu at hindi ito nahaluan ng isipan at mga iniisip ng tao, hindi naaabot ng mga kaloob ng tao, karanasan ng tao o ng likas na kalagayan ng tao. Ang hindi mabilang na gawain ng Banal na Espiritu ay nakatuon lahat sa pagbibigay ng pakinabang at pagpapatibay sa tao. Nguni’t may ilang tao na maaaring gawing perpekto samantalang ang iba ay hindi taglay ang mga kalagayan para sa pagpeperpekto, na maaaring sabihing hindi sila maaaring magawang perpekto at halos hindi maligtas, at kahit na maaaring nagkaroon sila ng gawa ng Banal na Espiritu, sila ay naaalis sa kahuli-hulihan. Iyon ay masasabi na kahit ang gawain ng Banal na Espiritu ay upang magpatibay sa tao, hindi ibig sabihin nito na lahat niyaong nakapagtaglay ng gawa ng Banal na Espiritu ay gagawing lubusang perpekto, dahil ang landas na tinatahak ng maraming tao ay hindi ang landas tungo sa pagiging perpekto. Nasa kanila lamang ang iisang panig na paggawa ng Banal na Espiritu, at wala ang pakikipagtulungan o pagsusumikap ng tao. Sa ganitong paraan, ang gawain ng Banal na Espiritu sa ganitong mga tao ay nagiging gawain ng paglilingkod sa mga yaon na ginagawang perpekto. Ang gawain ng Banal na Espiritu ay hindi maaaring tuwirang makita o mahawakan ng mga tao. Ito ay maaari lamang ipahayag sa pamamagitan ng tulong ng mga tao na may kaloob ng paggawa, ibig sabihin, na ang gawain ng Banal na Espiritu ay ipinagkakaloob sa mga tagasunod sa pamamagitan ng pagpapahayag ng mga tao.