<*><*><*><*><*><*><*><*><*><*><*><*><*><*><*><*><*><*>

Karamihan sa mga tao ay naniniwala sa Diyos alang-alang sa kanilang hantungan sa hinaharap, o para sa pansamantalang kaluguran. Para sa mga hindi sumasailalim sa kahit anong pakikitungo, ang paniniwala sa Diyos ay alang-alang sa pagpasok sa langit, upang magkamit ng mga gantimpala. Ito ay hindi upang magawang perpekto, o para gampanan ang tungkulin ng isang nilalang ng Diyos. Na ang ibig sabihin, karamihan sa mga tao ay hindi naniniwala sa Diyos upang tuparin ang kanilang responsibilidad, o para ganapin ang kanilang tungkulin. Bihira na ang mga tao ay naniniwala sa Diyos upang magkaroon ng makabuluhang mga buhay, ni mayroong mga naniniwalang sapagka’t ang tao ay buháy, dapat niyang mahalin ang Diyos dahil ito ay batas ng langit at panuntunan ng daigdig na gawin ang gayon, at ito ay ang likas na tungkulin ng tao. Sa ganitong paraan, kahit na ang iba’t ibang mga tao ay hinahabol ang kanya-kanyang sariling mga nilalayon, ang layunin ng kanilang paghahabol at ang pangganyak sa likod nito ay magkakaparehong lahat, at, higit pa rito, para sa karamihan sa kanila, ang mga layon ng kanilang pagsamba ay malaki ang pagkakapareho. Sa loob ng lumipas na ilang libong taon, maraming mananampalataya ang nangamatay na, at marami na ang nangamatay at muling isinilang. Hindi lamang ito isa o dalawang tao na naghahanap sa Diyos, ni hindi isa o dalawang libo, nguni’t ang paghahabol ng karamihan sa mga taong ito ay para sa kapakanan ng kanilang sariling inaasam o ng kaluwalhatiang kanilang inaasahan para sa kinabukasan. Iilan lamang at madalang ang mga tapat kay Cristo. Maraming debotong mananampalataya ang nangamatay na ring nabitag sa kanilang mga sariling lambat, at ang bilang ng mga tao na nagtagumpay, higit pa rito, ay kahabag-habag sa kaliitan. Hanggang sa kasalukuyan, ang mga dahilan kung bakit ang mga tao ay nabibigo, o ang mga lihim ng kanilang tagumpay, ay hindi pa rin batid. Ang mga nahuhumaling sa paghahanap kay Cristo ay hindi pa nakakaranas ng kanilang sandali ng biglang pagkakita, hindi pa nila nararating ang kailaliman ng mga misteryong ito, dahil lamang sa hindi nila nalalaman. Kahit na maingat silang nagsusumikap sa kanilang paghahabol, ang landas na kanilang tinatahak ay ang landas ng kabiguan na minsan nang tinahak ng kanilang mga ninuno, at hindi isa ng tagumpay. Sa ganitong paraan, hindi alintana kung paano sila naghahanap, hindi ba nila tinatahak ang landas na patungo sa kadiliman? Hindi ba ang kanilang nakakamit ay mapait na bunga? Mahirap na ngang hulaan kung ang mga taong tumutulad sa mga nagtagumpay sa nakalipas na panahon ay hahantong sa mabuting kapalaran o kapahamakan sa kahuli-hulihan. Gaano pa kayang mas masahol ang mga pagkakataon, kung gayon, para sa mga taong nais makasumpong sa pamamagitan ng pagsunod sa mga yapak ng mga nagkamali? Hindi ba sila magkakaroon ng higit na mas malaking pagkakataon para magkamali? Anong halaga ang naroroon sa landas na kanilang tinatahak? Hindi ba nila inaaksaya ang kanilang oras? Kung ang mga tao man ay magtatagumpay o mabibigo sa kanilang paghahabol, sa madaling salita, mayroong dahilan kaya nila ito ginagawa, at hindi ito ang kalagayan na ang kanilang tagumpay o kabiguan ay malalaman sa pamamagitan ng paghahanap kung paano man nila gusto.