Mga Salita ng na Makapangyarihang Diyos | Ang Pagkilala sa Diyos ang Daan sa Pagkatakot sa Diyos at Pag-iwas sa Masama
Bawa’t isa sa inyo ay dapat magsuring muli ng
inyong buhay-pananampalataya sa Diyos para makita kung, sa paghahabol sa
Diyos, ay tunay na naunawaan mo, tunay na naintindihan, at tunay na
nakilala mo ang Diyos, kung tunay na alam mo kung anong saloobin ang
tinitiis ng Diyos sa iba’t ibang uri ng tao, at kung tunay na nauunawaan
mo kung ano ang ginagawa ng Diyos sa iyo at ano ang pakahulugan ng
Diyos sa bawa’t kilos mo. Ang Diyos na ito, na nasa tabi mo, gumagabay
sa direksyon ng pag-unlad mo, nagtatakda ng tadhana mo, at nagtutustos
ng mga pangangailangan mo—sa katapus-tapusan, gaano ang nauunawaan mo at
gaano ang totoong pagkakakilala mo tungkol sa Kanya? Alam mo ba kung
ano ang ginagawa Niya sa iyo sa bawa’t araw? Alam mo ba ang mga
prinsipyo at mga layunin na pinagbabatayan Niya ng bawa’t kilos Niya?
Alam mo ba kung paano ka Niya ginagabayan? Alam mo ba ang paraan kung
paano ka Niya tinutustusan? Alam mo ba ang mga pamamaraan ng Kanyang
pag-aakay sa iyo? Alam mo ba kung ano ang nais Niyang makuha mula sa iyo
at ano ang nais Niyang makamit sa iyo? Alam mo ba ang nagiging saloobin
Niya pagdating sa iba’t ibang asal mo? Alam mo ba kung ikaw ay isang
taong minamahal Niya? Alam mo ba ang pinanggagalingan ng Kanyang
kagalakan, galit, kalungkutan, at tuwa, ang mga kaisipan at ideya sa
likod ng mga iyon, at ang Kanyang kakanyahan? Alam mo ba, sa
kahuli-hulihan, kung anong uring Diyos ang Diyos na ito na
pinaniniwalaan mo? Ang mga ito ba at ang iba pang mga tanong na gaya
niyan ay ang mga bagay na hindi mo pa kailanman naunawaan o
napag-isipan? Sa iyong patuloy na paniniwala sa Diyos, ikaw ba, sa
pamamagitan ng tunay na pagpapahalaga at pagdaranas ng mga salita ng
Diyos, ay nalinawan na sa iyong maling mga pagkaunawa tungkol sa Kanya?
Ikaw ba, matapos tanggapin ang disiplina at pagtutuwid ng Diyos, ay
tunay na nagpapasakop at nagmamalasakit? Ikaw ba, sa gitna ng pagkastigo
at paghatol ng Diyos, ay nakaalam ng pagiging mapaghimagsik at
maka-satanas na kalikasan ng tao at nagkamit ng kaunting kaunawaan
tungkol sa kabanalan ng Diyos? Ikaw ba, sa ilalim ng paggabay at
pagliliwanag ng salita ng Diyos, ay nagsimulang magkaroon ng bagong
pananaw tungkol sa buhay? Ikaw ba, sa gitna ng pagsubok na ipinadala ng
Diyos, ay nakaramdam ng Kanyang hindi pagpayag sa mga pagkakasala ng tao
at maging kung ano ang Kanyang hinihingi sa iyo at paano ka Niya
inililigtas? Kung hindi mo alam kung paano ang magkamali ng pagkaunawa
sa Diyos, o kung paano lilinawin ang maling pagkaunawang ito, kung gayon
masasabing hindi ka pa talaga nakapasok sa tunay na pakikipag-isa sa
Diyos at hindi pa kailanman naintindihan ang Diyos, o kahit papaano
masasabing hindi mo kailanman ninais na maintindihan Siya. Kung hindi mo
alam kung ano ang disiplina at pagtutuwid ng Diyos, kung gayon tiyak na
hindi mo alam kung ano ang pagpapasakop at pagmamalasakit, o kahit
papaano hindi ka pa kailanman talagang nagpasakop o nagmalasakit sa
Diyos. Kung hindi mo pa kailanman naranasan ang pagkastigo at paghatol
ng Diyos, kung gayon hindi mo talaga malalaman kung ano ang Kanyang
kabanalan, at lalong hindi magiging malinaw sa iyo kung ano ang
paghihimagsik ng tao. Kung hindi ka pa talaga kailanman nagkaroon ng
tamang pananaw sa buhay, o tamang layunin sa buhay, kundi nalilito pa at
hindi makapagdesisyon tungkol sa iyong magiging landas ng buhay sa
hinaharap, maging hanggang sa puntong nag-aalangan kang magpatuloy, kung
gayon tiyak na hindi mo pa kailanman tunay na natanggap ang
pagliliwanag at paggabay ng Diyos, at masasabi ring hindi ka pa
kailanman tunay na natustusan o napunuan ng mga salita ng Diyos. Kung
hindi ka pa napasailalim sa pagsubok ng Diyos, malinaw na hindi mo
talaga malalaman ang hindi pagpapaubaya ng Diyos sa mga kasalanan ng
tao, o hindi mo maiintindihan ang sa kahuli-hulihan ay hinihingi ng
Diyos sa iyo, at lalo na, kung ano ang gawain Niya ng pamamahala at
pagliligtas sa tao. Gaano man karaming taon na naniwala ang isang tao sa
Diyos, kung hindi pa niya kailanman naranasan o nadama ang anuman sa
mga salita ng Diyos, kung gayon tiyak na hindi pa niya nilalakaran ang
daan tungo sa kaligtasan, ang pananampalataya niya sa Diyos ay tiyak na
walang tunay na laman, ang pagkakilala niya rin sa Diyos ay tiyak na
wala, at malinaw na wala siyang kamuwang-muwang kung paano magpitagan sa
Diyos.
Ang mga pag-aari ng Diyos at pagiging Diyos, ang
kakanyahan ng Diyos, ang Kanyang disposisyon—ang lahat ay ipinahayag sa
Kanyang salita sa sangkatauhan. Kapag nararanasan niya ang mga salita ng
Diyos, habang nangyayari ang mga ito, darating sa punto na
maiintindihan ng tao ang layunin sa likod ng mga salitang sinasabi ng
Diyos, at maiintindihan ang pinagmumulan at pinanggalingan ng mga salita
ng Diyos, at maiintindihan at mapapahalagahan ang hinahangad na epekto
ng mga salita ng Diyos. Para sa sangkatauhan, ang lahat ng mga ito ang
mga bagay na dapat maranasan ng tao, matarok, at makuha upang makamit
ang katotohanan at buhay, matarok ang mga intensyon ng Diyos, mabago sa
kanyang disposisyon, at makapagpasakop sa dakilang kapangyarihan at mga
pagsasaayos ng Diyos. Habang dinaranas, tinatarok, at kinukuha ng tao
ang mga bagay na ito, unti-unti siyang magkakamit ng pagkaunawa sa
Diyos, at sa panahong ito magkakamit din siya ng iba’t ibang antas ng
pagkaunawa tungkol sa Kanya. Ang pagkaunawa at pagkakilalang ito ay
hindi nanggagaling sa isang bagay na kathang-isip o binuo ng tao, kundi
mula sa pinahahalagahan niya, nararanasan, nararamdaman, at
pinatototohanan ng kanyang kalooban. Pagkatapos lamang mapahalagahan,
maranasan, maramdaman at mapatotohanan ang mga bagay na ito saka
nagkakaroon ng laman ang pagkakilala ng tao sa Diyos, tanging ang
pagkakilalang nakamit niya sa panahong ito ang totoo, tunay, at tumpak,
at ang prosesong ito—ng pagkamit ng totoong pagkaunawa at pagkakilala sa
Diyos sa pamamagitan ng pagpapahalaga, pagdaranas, pakikiramdam, at
pagpapatotoo sa Kanyang mga salita—ay walang iba kundi ang tunay na
pakikipag-isa sa pagitan ng tao at Diyos. Sa gitna ng ganitong klase ng
pakikipag-isa, nagagawang tunay na maintindihan at maabot ng tao ang mga
intensyon ng Diyos, nagagawang tunay na maintindihan at malaman ang mga
pag-aari ng Diyos at pagiging Diyos, nagagawang tunay na maintindihan
at malaman ang kakanyahan ng Diyos, nagagawang unti-unting maintindihan
at malaman ang disposisyon ng Diyos, nararating ang tunay na katiyakan
tungkol sa, at tamang pagpapakahulugan ng, katunayan ng dominyon ng
Diyos sa lahat ng sangnilikha, at nagkakamit ng sapat na tindig at
kaaalaman tungkol sa pagkakakilanlan at posisyon ng Diyos. Sa gitna ng
ganitong klase ng pakikipag-isa, binabago ng tao, unti-unti, ang mga
iniisip niya tungkol sa Diyos, hindi na Siya kathang-isip mula sa
kawalan, o hinahayaan ang kanyang mga hinala tungkol sa Kanya, o maling
pagkaunawa sa Kanya, o paghusga sa Kanya, o paghatol sa Kanya, o
pagdududa sa Kanya. Bunga nito, magkakaroon ang tao ng mas kaunting
pakikipagdebate sa Diyos, magkakaroon siya ng mas kaunting alitan sa
Diyos, at magkakaroon ng mas kaunting pagkakataon na maghihimagsik siya
laban sa Diyos. Sa kabaligtaran, ang pagmamalasakit ng tao at
pagpapasakop sa Diyos ay lalong lalago, at ang paggalang niya sa Diyos
ay magiging mas tunay at malalim din. Sa gitna ng ganitong klaseng
pakikipag-isa, hindi lamang makakamit ng tao ang pagkakaloob ng
katotohanan at ang bautismo ng buhay, kundi kasabay nito makakamit din
niya ang tunay na pagkakilala sa Diyos. Sa gitna ng ganitong uri ng
pakikipag-isa, hindi lamang mababago ang tao sa kanyang disposisyon at
tatanggap ng kaligtasan, kundi ganoon din magkakaroon siya ng tunay na
paggalang at pagsamba ng isang nilikha tungo sa Diyos. Sa pagkakaroon ng
ganitong uri ng pakikipag-isa, ang pananampalataya ng tao sa Diyos ay
hindi na lamang isang blangkong piraso ng papel, o isang pangakong sa
salita lamang, o isang anyo ng bulag na paghahabol at pag-iidolo;
tanging sa ganitong klase ng pakikipag-isa lalago ang buhay ng tao tungo
sa paggulang araw-araw, at ngayon lamang unti-unting mababago ang
kanyang disposisyon, at ang pananampalataya niya sa Diyos ay,
paisa-isang hakbang, lilipas mula sa malabo at hindi tiyak na paniniwala
patungo sa tunay na pagpapasakop at pagmamalasakit, patungo sa tunay na
paggalang; ang tao rin ay, sa kanyang paghahabol sa Diyos, unti-unting
susulong mula sa pagiging walang-kibo patungo sa aktibong katayuan, mula
sa pagiging kinikilusan patungo sa isang gumagawa ng positibo; tanging
sa ganitong klase ng pakikipag-isa makakarating ang tao sa tunay na
pagkaintindi at pagkaunawa sa Diyos, sa tunay na pagkakilala sa Diyos.
Dahil ang karamihan ng tao ay hindi pa kailanman nakapasok sa tunay na
pakikipag-isa sa Diyos, ang pagkakilala nila sa Diyos ay humihinto sa
antas ng teorya, sa antas ng mga sulat at mga doktrina. Ibig sabihin,
ang karamihan ng mga tao, ilang taon man silang naniwala sa Diyos,
pagdating sa pagkilala sa Diyos ay nananatili pa rin sa lugar kung saan
sila nagsimula, natigil sa pundasyon ng tradisyunal na anyo ng pagsamba,
na may kasamang gayak ng maalamat na kulay at makalumang pamahiin. Na
ang pagkakilala ng tao sa Diyos ay nahinto sa pinagsimulan nito na
nangangahulugang ito ay wala talaga. Maliban sa pagpapatotoo ng tao sa
posisyon at pagkakakilanlan ng Diyos, ang pananampalataya ng tao sa
Diyos ay nasa estado pa rin ng pag-aalinlangan. Dahil ganito, gaanong
tunay na paggalang sa Diyos maaaring magkaroon ang tao?
Gaano man
katatag ang paniniwala mo sa Kanyang pag-iral, hindi nito mapapalitan
ang pagkakilala mo sa Diyos, maging ang paggalang mo sa Diyos. Gaano mo
man tinatamasa ang mga pagpapala Niya at Kanyang biyaya, hindi nito
mapapalitan ang pagkakilala mo sa Diyos. Gaano ka man kahanda at kasabik
na italaga ang lahat ng sa iyo at gastahin ang lahat para sa Kanyang
kapakanan, hindi nito mapapalitan ang pagkakilala mo sa Diyos. Marahil
naging napakapamilyar na sa iyo ng mga salitang sinabi Niya, o kabisado
mo pa nga at kaya mong bigkasin pabaligtad, pero hindi nito mapapalitan
ang pagkakilala mo sa Diyos. Gaano man kaseryoso ang tao sa pagsunod sa
Diyos, kung hindi pa siya nagkaroon ng tunay na pakikipag-isa sa Diyos, o
nagkaroon ng tunay na karanasan sa mga salita ng Diyos, kung gayon ang
pagkakilala niya sa Diyos ay magiging malinaw na walang laman o walang
katapusang panaginip lamang; kahit na “nakabungguang-balikat” mo pa ang
Diyos nang panandalian, o nakaharap Siya, ang pagkakilala mo sa Diyos ay
magiging wala pa rin, at ang paggalang mo sa Diyos ay hindi hihigit sa
hungkag na katawagan o isang mithiin.
Maraming tao ang hawak ang
salita ng Diyos para basahin araw-araw, hanggang sa puntong maingat na
sinasaulo ang lahat ng mga klasikong talata roon na kanilang
pinakaiingatang yaman, at higit pa rito ipinangangaral ang mga salita ng
Diyos sa lahat ng lugar, tinutustusan at tinutulungan ang iba sa
pamamagitan ng Kanyang mga salita. Iniisip nila na ang paggawa nito ay
pagpapatotoo sa Diyos, pagpapatotoo sa mga salita Niya, na ang paggawa
nito ay pagsunod sa daan ng Diyos; iniisip nila na ang paggawa nito ay
pamumuhay ayon sa mga salita ng Diyos, na ang paggawa nito ay pagdadala
ng mga salita Niya sa kanilang mga tunay na buhay, na ang paggawa nito
ay magbibigay-daan para matanggap nila ang parangal ng Diyos, at
maligtas at maging perpekto. Pero, kahit na nangangaral sila ng mga
salita ng Diyos, hindi sila kailanman umaayon sa mga salita ng Diyos sa
pagsasagawa, o sinusubukang iayon ang sarili nila sa kung ano ang
ipinahayag sa mga salita ng Diyos. Sa halip, ginagamit nila ang mga
salita ng Diyos para makamit ang paghanga at pagtitiwala ng iba sa
pamamagitan ng pandaraya, para makapasok sa pamamahala nang sarili nila,
at lustayin at nakawin ang kaluwalhatian ng Diyos. Umaasa sila, nang
walang saysay, na gamitin ang pagkakataong ibinibigay sa pamamagitan ng
pagpapalaganap ng mga salita ng Diyos, para magawaran ng paggawa ng
Diyos at Kanyang parangal. Ilang mga taon na ang lumipas, nguni’t ang
mga taong ito’y hindi lamang nabigong umani ng parangal ng Diyos habang
ipinangangaral ang mga salita ng Diyos, at hindi lamang sila walang
kakayahang tuklasin ang daang dapat nilang sundan sa pagpapatotoo sa mga
salita ng Diyos, at hindi lamang sila hindi tumulong o nagtustos sa
kanilang mga sarili habang tinutustusan at tinutulungan ang iba sa
pamamagitan ng mga salita ng Diyos, at hindi lamang sila walang
kakayahang kumilala sa Diyos, o gisingin sa kanilang mga sarili ang
tunay na paggalang sa Diyos, habang ginagawa ang lahat ng mga ito; pero
sa kabaligtaran ang maling pagkaintindi nila tungkol sa Diyos ay lalong
lumalalim, ang hindi nila pagtitiwala sa Kanya ay lalong lumalala, at
ang mga naiisip nila tungkol sa Kanya ay lalong nagiging labis. Dahil
mayroon silang tustos at patnubay na mga teorya tungkol sa mga salita ng
Diyos, mukha silang masiglang-masigla, na para bang gumagawa gamit ang
kanilang mga angking galֵíng nang walang kahirap-hirap, na para bang
natagpuan na nila ang layunin nila sa buhay, ang misyon nila, at para
bang nagkaroon sila ng bagong buhay at naligtas, habang ang mga salita
ng Diyos ay malutong na namumutawi sa bibig kapag binibigkas, para bang
nakamit nila ang daan sa katotohanan, natarok ang mga intensyon ng
Diyos, at nadiskubre ang daan sa pagkilala sa Diyos, na para bang,
habang ipinangangaral ang mga salita ng Diyos, madalas nilang makaharap
ang Diyos. Isa pa, madalas silang “nauudyukan” na manaka-nakang
tumangis, at, madalas na inaakay ng “Diyos” sa mga salita ng Diyos,
mukha silang walang-tigil sa paghawak nang mahigpit sa Kanyang maalab na
pagmamalasakit at mabuting intensyon, at kasabay noon natarok ang
pagliligtas ng Diyos sa tao at ang Kanyang pamamahala, nakaalam sa
Kanyang kakanyahan, at nakaintindi sa Kanyang matuwid na disposisyon.
Batay sa ganitong pundasyon, tila mas lalo pa silang naniniwala na
mayroong Diyos, na mas nakikilala nila ang Kanyang matayog na kalagayan,
at mas nararamdaman nila nang malalim ang Kanyang kadakilaan at
pagiging-higit-sa-lahat. Dahil babad sila sa mababaw na kaalaman sa mga
salita ng Diyos, tila mukhang ang pananampalataya nila ay lumago, ang
determinasyon nilang tiisin ang pagdurusa ay lumakas, at ang pagkakilala
nila sa Diyos ay lumalim. Hindi nila alam, hangga’t hindi nila talagang
nararanasan ang mga salita ng Diyos, ang lahat ng kaalaman nila sa
Diyos at ang kanilang mga palagay tungkol sa Kanya ay galing sa kanilang
sariling kathang-isip at haka-haka. Hindi tatagal ang pananampalataya
nila sa anumang uri ng pagsusulit mula sa Diyos, ang kanilang di-umano’y
espirituwalidad at tayog ay hindi talaga tatagal sa pagsubok o
pagsusuri ng Diyos, ang kanilang paninindigan ay walang iba kundi isang
kastilyong buhangin, at ang di-umano’y pagkakilala rin sa Diyos ay mga
guni-guni lamang. Sa katunayan, ang mga taong ito, na wari ay,
nagsisikap para sa mga salita ng Diyos, ay hindi pa kahit kailanman
nakatanto kung ano talaga ang pananampalataya, ano ang tunay na
pagpapasakop, ano ang tunay na pagkalinga, o ano ang tunay na
pagkakakilala sa Diyos. Kinukuha nila ang teorya, imahinasyon, kaalaman,
kaloob, tradisyon, pamahiin, at maging kagandahang-asal ng
sangkatauhan, at ginagawa itong “kapital na pampuhunan” at “mga
sandatang militar” para sa paniniwala sa Diyos at paghahabol sa Kanya,
ginagawa pa ang mga ito na pundasyon ng kanilang paniniwala sa Diyos at
paghahabol sa Kanya. Kasabay nito, kinukuha rin nila ang kapital na ito
at mga sandata at ginagawa ang mga itong mahikang anting-anting para
kilalanin ang Diyos, para katagpuin at labanan ang pagsusuri ng Diyos,
pagsubok, pagkastigo, at paghatol. Sa katapusan, ang kanilang naipon ay
walang iba kundi mga palagay tungkol sa Diyos na puno ng relihiyosong
pakahulugan, mga sinaunang pamahiin, at lahat ng romantiko, katawa-tawa,
at misteryoso, at ang kanilang paraan ng pagkilala at pagpapakahulugan
sa Diyos ay gaya pa rin ng dati, tulad ng sa mga taong naniniwala lamang
sa Langit sa Itaas o sa Matandang Tao sa Himpapawid, samantalang ang
katotohanan tungkol sa Diyos, ang Kanyang kakanyahan, Kanyang
disposisyon, Kanyang mga pag-aari at pagka-Diyos, at iba pa—lahat ng may
kinalaman sa totoong Diyos Mismo—ay mga bagay na hindi nagawang matarok
ng kanilang pag-alam, ay ganap na hindi-angkop at malayong magkaiba. Sa
ganitong paraan, kahit na sila ay nasa ilalim ng pagtutustos at
pangangalaga ng mga salita ng Diyos, sila magkagayunman ay hindi tunay
na nakatahak sa daan ng pagkatakot sa Diyos at pag-iwas sa masama. Ang
tunay na dahilan para dito ay hindi talaga sila nakakilala sa Diyos, at
ni hindi rin sila kahit minsan nagkaroon ng tunay na pakikipag-ugnayan o
pakikipag-isa sa Kanya, kung kaya imposible para sa kanila na
makarating sa pakikipag-unawaan sa Diyos, o magising sa kanila ang isang
tunay na paniniwala, paghahabol, o pagsamba para sa Diyos. Na dapat
nilang isaalang-alang ang mga salita ng Diyos nang gayon, na dapat
nilang isaalang-alang ang Diyos nang gayon—ang pananaw at saloobin
nilang ito ang naging dahilan kaya walang bunga ang mga pagsisikap nila,
kaya kailanman sa walang-hanggan hindi nila malalakaran ang daan ng
pagkatakot sa Diyos at pag-iwas sa masama. Ang layunin na kanilang
tinutudla, at ang direksyon na kanilang tinutungo, ay nagpapahiwatig na
mga kaaway sila ng Diyos sa buong kawalang-hanggan, at na sa buong
kawalang-hanggan hindi sila kailanman makakatanggap ng kaligtasan.
Kung,
sa kaso ng taong nakasunod sa Diyos nang maraming taon at nakatamasa ng
pagtustos ng Kanyang mga salita nang maraming taon, ang pakahulugan
niya sa Diyos ay, sa kakanyahan nito, katulad ng sa isang taong
sumasamba sa mga idolo, kung gayon ipinahihiwatig nito na ang taong ito
ay hindi nakatamo sa katotohanan ng mga salita ng Diyos. Ito ay dahil
talagang hindi siya nakapasok sa katotohanan ng mga salita ng Diyos, at
sa kadahilanang ito, ang pagkatotoo, ang katotohanan, ang mga intensyon,
at mga hinihingi sa sangkatauhan, na lahat ay nakapaloob sa mga salita
ng Diyos, ay walang anumang kinalaman sa kanya. Ibig sabihin nito, gaano
man katindi ang maaring gawing pagsisikap ng taong ito sa mababaw na
kahulugan ng mga salita ng Diyos, ang lahat ay walang saysay: Dahil ang
hinahabol niya ay mga salita lamang, ang makukuha niya ay hindi
maiiwasang mga salita rin lamang. Kung ang mga salitang sinabi man ng
Diyos ay, sa panlabas na anyo, malinaw o malalim, ang mga iyon ay mga
katotohanang kailangang-kailangan ng tao sa pagpasok niya sa buhay; ang
mga iyon ang pinagmumulan ng tubig na buháy na nagbibigay sa kanya ng
kakayahang mabuhay kapwa sa espiritu at katawan. Ipinagkakaloob ng mga
ito ang kailangan ng tao para manatiling buháy; ang doktrina at
paniniwala para sa pagpapatakbo ng pang-araw-araw na buhay; ang daan,
layunin, at direksyon na dapat daanan upang makatanggap ng kaligtasan;
bawa’t katotohanan na dapat niyang taglayin bilang isang nilikha sa
harapan ng Diyos; at bawa’t katotohanan tungkol sa kung paano sumusunod
ang tao at sumasamba sa Diyos. Ang mga iyon ang garantiya na tumitiyak
ng pananatiling buháy ng tao, ang mga iyon ang pang-araw-araw na tinapay
ng tao, at ang mga iyon din ang matibay na suportang nagsasanhi sa tao
na maging malakas at tumáyô. Sagana ang mga iyon sa katunayan ng
katotohanan ng normal na pagkatao tulad ng pagsasapamuhay nito ng
nilikhang sangkatauhan, mayaman sa katotohanan kung saan sa pamamagitan
nito ang sangkatauhan ay nakakatakas mula sa kasamaan at nakakaiwas sa
mga patibong ni Satanas, mayaman sa walang-pagod na pagtuturo,
panghihikayat, pagpapalakas ng loob, at kaaliwan na ibinibigay ng
Manlilikha sa nilikhang sangkatauhan. Ang mga iyon ang mga parolang
gumagabay at nagliliwanag sa mga tao para maunawaan ang lahat ng
positibo, ang garantiya na tumitiyak na ang mga tao ay magsasabuhay at
magtataglay ng lahat ng matuwid at mabuti, ang pamantayan kung saan ang
mga tao, mga pangyayari, at mga bagay ay lahat sinusukat, at ang tanda
sa paglalakbay na nag-aakay sa mga tao tungo sa kaligtasan at sa daan ng
liwanag. Tanging sa tunay na karanasan sa mga salita ng Diyos
natutustusan ang tao ng katotohanan at ng buhay; tanging dito siya
nagkakaroon ng kaunawaan kung ano ang normal na pagkatao, ano ang isang
makahulugang buhay, ano ang isang tunay na nilalang, ano ang tunay na
pagsunod sa Diyos; tanging dito siya dumarating sa pagkaunawa kung paano
siya dapat magmalasakit sa Diyos, paano tumupad ng tungkulin ng isang
nilikhang kabuuan, at kung paano magtaglay ng wangis ng isang tunay na
tao; tanging dito lamang siya dumarating sa pagkaunawa kung ano ang ibig
sabihin ng tunay na pananampalataya at tunay na pagsamba; tanging dito
lamang niya nauunawaan kung sino ang Naghahari sa mga kalangitan at lupa
at lahat ng bagay; tanging dito siya dumarating sa pagkaunawa ng
pamamaraan kung saan ang Isa na Siyang Panginoon ng lahat ng sangnilikha
ay naghahari, nangunguna, at nagkakaloob para sa sangnilikha; at
tanging dito siya nakakarating sa pagkaunawa at pagkatarok ng paraan
kung saan ang Isa na Siyang Panginoon ng buong sangnilikha ay umiiral,
nahahayag, at gumagawa…. Hiwalay sa tunay na karanasan ng mga salita ng
Diyos, ang tao ay walang tunay na kaalaman o panloob na pananaw tungo sa
mga salita ng Diyos at sa katotohanan. Ang ganitong tao ay talagang
isang buhay na bangkay, isang lalagyang walang kalaman-laman, at lahat
ng kaalaman na may kaugnayan sa Manlilikha ay walang anumang kinalaman
sa kanya. Sa mga mata ng Diyos, ang ganitong tao ay hindi kailanman
nanampalataya sa Kanya, ni hindi kahit minsan sumunod sa Kanya, kaya
hindi siya kinikilala ng Diyos bilang Kanyang mananampalataya o Kanyang
tagasunod, lalong hindi isang tunay na nilalang.
Ang tunay na
nilalang ay dapat na makakilala kung sino ang Manlilikha, kung para saan
ang pagkakalikha sa tao, kung paano isakatuparan ang mga
responsibilidad ng isang nilalang, at kung paano sambahin ang Panginoon
ng lahat ng sangnilikha, dapat maunawaan, matarok, malaman, at
pagmalasakitan ang mga intensyon ng Manlilikha, mga nais, mga hinihingi,
at dapat na kumilos ayon sa paraan ng Manlilikha—ang matakot sa Diyos
at umiwas sa masama.
Ano ang ibig sabihin ng matakot sa Diyos? At paano umiwas sa masama?
Ang
“magkaroon ng takot sa Diyos” ay hindi nangangahulugang walang katulad
na sindak at takot, ni hindi ang umiwas, o lumayo, at hindi rin ito
pagsamba sa diyos-diyosan o pamahiin. Sa halip, isa itong paghanga,
pagpapahalaga, pagtitiwala, pag-unawa, pangangalaga, pagsunod,
pagtatalaga, pag-ibig, at maging, walang-kundisyon at
walang-pagrereklamong pagsamba, pagbabalik, at pagsuko. Kung walang
tunay na pagkakilala sa Diyos, ang sangkatauhan ay hindi magkakaroon ng
tunay na paghanga, tunay na pagtitiwala, tunay na kaunawaan, tunay na
pangangalaga o pagsunod, kundi takot at pagkabalisa lamang, pagdududa
lamang, di-pagkakaunawaan, pagtakas, at pag-iwas; kung walang tunay na
pagkakilala sa Diyos, ang sangkatauhan ay hindi magkakaroon ng tunay na
pagtatalaga at pagbabalik; kung walang tunay na pagkakilala sa Diyos,
ang sangkatauhan ay hindi magkakaroon ng tunay na pagsamba at pagsuko,
tanging bulag na pag-idolo lamang at pamahiin; kung walang tunay na
pagkakilala sa Diyos, ang sangkatauhan ay hindi makakakilos ayon sa
paraan ng Diyos, o matatakot sa Diyos, o iiwas sa masama. Sa
kabaligtaran, bawa’t aktibidad at pag-uugali ng tao ay mapupuno ng
paghihimagsik at pagsuway, ng mapanirang-puring pagbibintang at
hindi-totoong paghatol tungkol sa Diyos, at masamang asal na taliwas sa
katotohanan at tunay na kahulugan ng mga salita ng Diyos.
Sa
pagkakaroon ng tunay na pananalig sa Diyos, malalaman talaga ng
sangkatauhan kung paano sumunod sa Diyos at umasa sa Kanya; tanging sa
tunay na pananalig at pagtitiwala sa Diyos magkakaroon ang sangkatauhan
ng tunay na pagkaunawa at pag-abot; kasama ng tunay na pag-abot sa Diyos
ay ang tunay na pagmamalasakit sa Kanya; tanging sa tunay na
pagmamalasakit sa Diyos magkakaroon ang sangkatauhan ng tunay na
pagsunod; tanging sa tunay na pagsunod sa Diyos magkakaroon ang
sangkatauhan ng tunay na pagtatalaga; tanging sa tunay na pagtatalaga sa
Diyos makakapagbalik ang sangkatauhan nang walang kundisyon at walang
pagrereklamo; tanging sa tunay na pananalig at pagtitiwala, tunay na
pagkaunawa at pagmamalasakit, tunay na pagsunod, tunay na pagtatalaga at
pagbabalik, tunay na malalaman ng sangkatauhan ang disposisyon at
kakanyahan ng Diyos, at malalaman ang pagkakakilanlan ng Manlilikha;
tanging kapag nakilala nila ng tunay ang Manlilikha magigising ang
sangkatauhan sa tunay na pagsamba at pagsuko; tanging kapag may tunay na
pagsamba at pagsuko sa Manlilikha magagawa ng sangkatauhan na isantabi
ang kanilang masasamang gawi, ang ibig sabihin, umiwas sa masama.
Ito
ang buong proseso ng “pagkatakot sa Diyos at pag-iwas sa masama,” at
siya ring nilalaman sa kabuuan ng pagkatakot sa Diyos at pag-iwas sa
masama, at maging ang daan na dapat bagtasin para makarating sa
pagkatakot sa Diyos at pag-iwas sa masama.
Ang “pagkatakot sa
Diyos at pag-iwas sa masama” at pagkilala sa Diyos ay di-mapaghihiwalay
at pinagdugtong ng di-mabilang na mga tali, at ang koneksyon sa pagitan
nila ay malinaw. Kung nais ninuman na makaiwas sa masama, dapat munang
magkaroon ang taong iyon ng tunay na pagkatakot sa Diyos; kung nais
ninuman na magkaroon ng tunay na takot sa Diyos, dapat munang magkaroon
siya ng tunay na pagkakilala sa Diyos; kung nais ninuman na magkaroon ng
pagkakilala sa Diyos, dapat muna niyang maranasan ang mga salita ng
Diyos, pumasok sa pagkatotoo ng mga salita ng Diyos, maranasan ang
pagtutuwid at pagdidisiplina ng Diyos, ang Kanyang pagkastigo at
paghatol; kung nais ninuman na maranasan ang mga salita ng Diyos, dapat
muna niyang makaharap ang mga salita ng Diyos, makaharap ang Diyos, at
hingin sa Diyos na magbigay ng mga pagkakataon para maranasan ang mga
salita ng Diyos sa anyo ng lahat ng klase ng kapaligirang kinapapalooban
ng mga tao, mga pangyayari, at mga bagay; kung nais ninuman na
makaharap ang Diyos at ang mga salita ng Diyos, dapat munang magkaroon
ang sinuman ng isang simple at tapat na puso, kahandaang tanggapin ang
katotohanan, pagpapasyang tiisin ang pagdurusa, determinasyon at tapang
na iwasan ang masama, at ang mithiin na maging isang tunay na nilalang….
Sa ganitong paraan, sa unti-unting pagpapatuloy, malalapit kang lalo sa
Diyos, lalong magiging dalisay ang puso mo, at ang iyong buhay at
halaga ng pagiging buháy ay, kalakip ang iyong pagkakilala sa Diyos,
magiging mas makahulugan at magiging mas maningning. Hanggang, isang
araw, mararamdaman mo na ang Manlilikha ay hindi na isang palaisipan, na
ang Manlilikha ay hindi kailanman natatago mula sa iyo, na ang
Manlilikha ay hindi kailanman nagkubli ng Kanyang mukha mula sa iyo, na
ang Manlilikha ay hindi pala malayo sa iyo, na ang Manlilikha ay hindi
na ang Siyang lagi mong pinananabikan sa iyong mga kaisipan pero hindi
mo maabot ng iyong damdamin, na Siya ay talaga at tunay na nakatindig na
nakabantay sa iyong kaliwa at kanan, nagtutustos ng iyong buhay at
nagkokontrol ng iyong tadhana. Wala Siya sa malayong abot-tanaw, at
hindi rin Niya isinikreto ang Sarili Niya sa itaas sa mga ulap. Nasa
mismong tabi mo Siya, nangangasiwa sa lahat mo, Siya ang lahat na
mayroon ka, at Siya ang tanging mayroon ka. Ang gayong Diyos ay
nagpapahintulot sa iyo na mahalin Siya mula sa puso, kapitan Siya,
hawakan Siya nang malapitan, hangaan Siya, matakot na mawala Siya, at
hindi na maging handang Siya ay talikuran, hindi na Siya suwayin, o
hindi na Siya iwasan o layuan. Ang gusto mo lamang ay pagmalasakitan
Siya, sundin Siya, ibalik ang lahat ng ibinibigay Niya sa iyo, at sumuko
sa Kanyang kapangyarihan. Hindi mo na tinatanggihan na magabayan,
matustusan, mabantayan, at maingatan Niya, hindi mo na tinatanggihan ang
idinidikta at itinatakda Niya para sa iyo. Ang gusto mo lamang ay ang
sundan Siya, lumakad kasama Siya sa kaliwa o kanan, ang tanging gusto mo
ay tanggapin Siya bilang ang nag-iisa at tanging buhay mo, ang
tanggapin Siya bilang iyong nag-iisa at tanging Panginoon, ang iyong
nag-iisa at tanging Diyos.
Agosto 18, 2014
Mula sa Mga Pagbigkas ni Cristo ng mga Huling Araw (Mga Seleksyon)
Ang pinagmulan: Ang Pagkilala sa Diyos ay ang Landas Tungo sa Pagkatakot sa Diyos at Paglayo sa Kasamaan
Rekomendasyon: Ang Iglesia ng Makapangyarihang Diyos
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento